BINABASA MO ANG

STOPOVER (Filipino One Shots)

Short Story

Iba't ibang buhay. Iba't ibang tao. Iba't ibang stopover ng pag-ibig. Mga simpleng kwento na ginawang komplikado ng pagkabigo. Ang kwentong nagpapatunay na minsan, maari, baka sakali, sa buhay mo, dadaan ang pag-ibig. Pero kapag nakuha na ang kailan...

Third Stop

1.1K 46 1
                                        

Ikatlong Kabiguan

Lugar:     Sa gymnasium, practice for JS Prom

Oras:      Labasan, mga alas-singko ng hapon

Kanino:  Sa kanya…

 

 

          Kilalang papalit-palit ng boyfriend si Mimi. Lahat ng players ng basketball, mga Mr. Pogi, papable, at hunk sa school, basta pogi, naging boyfriend na niya. Pero hindi pa rin susuko si Miguel. Lalo pa at parehong letter ‘M’ ang simula ng pangalan nila. Pakiramdam niya ay destiny ang dahilan kung bakit sila nagtagpo.

          Nakilala niya si Mimi nang maging magkatabi sila sa klase. Palagi itong nakakapit sa braso niya. Bumubungad sa kanyang mga mata ang mala-geisha nitong mukha sa daming koloretes na nakapahid doon. Maganda si Mimi sa paningin ng kahit sinong lalaki. Tampulan naman ng chismis sa mga babae. Pero wala siyang pakialam.

          Isang gabi, nagka-text sila ni Mimi. Sinabi nitong ang pogi niya. Sa unang beses, may babaeng nagsabi sa kanyang pogi siya, may babaeng naka-appreciate ng buhok niyang para hinimod ng baka. At ang ikinagulat pa niya ng gabing iyon, itinext siya nito ng ‘I love you, good night mwah’. Doon niya na-relize na may gusto nga sa kanya si Mimi.

          At ito na nga ang panahong pinakahihintay niya. JS Prom. Iyon ang hapon ng unang practice nila para sa sayaw sa JS Prom. At iyon rin ang hapon para magtanong ang mga lalaki sa mga babae kung papayag bang maka-date nila ang mga ito. Handa na siya. Nakakabit na nang maayops ang braces niya para sa pagtakbo niya. Alam niyang maraming susugod kay Mimi, mag-uunahan, para lang maalok ito ng date. Nag-work out na rin siya nang nagdaang gabi para sa mabilis na pagtakbo.

          Pero hindi pa man nagsisimula ang pagtatanong sa date ay lumapit na sa kanya si Mimi.

          “Migs,”

          Nakangiting nilingon naman niya ito.

          Iniabot ni Mimi ang isang libro kay Miguel na agad rin naman niyang kinuha. Alam na niya kung anong ibig sabihin noon. At hindi siya makatanggi dahil sa mga ganoong bagay sila nagiging mas close ni Mimi. At isa pa, sa dami ng tao, bakit sa kanya? Dahil espesyal ako kay Mimi, naisip niya.

          Itinago niya ang libro. Isang ngiti lang ang ibinigay ni Mimi saka ito umalis. Hanggang sa may naisip siya.

          “M…M…Mimi!”

          Malakas ang nagging pagsigaw niya, dahilan para maglingunan sa kaniyang direksyon ang mga tao sa gym.

          Parang nahihiyang bumulong si Mimi. “B-Bakit Miguel?”

          “Ah… Ah… Ano…”

          “Ano yun, Miguel?”

          “P-Pwede ba k-kita maka-d-date sa JS P-Prom? P-Please?”

          Halatang gulat si Mimi sa narinig. Siya naman ay namumula na ang mga pisngi sa tuwa at kilig. Nagawa niya ring sabihin kay Mimi. At siya pa ang kauna-unahan! Kahit nabubulol siya, at least, hindi siya kinabahan.

          “M-Mimi, p-pwede ba…”

          “Miguel, ano bang ginagawa mo, nakakahiya,”

          “S-Sige na, M-Mimi. Alam ko n-namang gusto mo rin ako. Kasi d-di ba—”

          “Ano ba!”

          Natigilan siya nang sumigaw si Mimi at itulak siya palayo nang magtangka siyang lumapit dito. Nilapitan ito ng mga kaibigan at niyakap. Parang takot na takot si Mimi. Gusto lang naman niyang yayain ito ng date sa JS Prom. Pero bakit ganun na lang kung mag-react ito?

          “Umalis ka na nga, weirdo! Tinatakot mo si Mimi!”

          Naiwan na lang siyang nakatayo sa lugar na iyon habang patuloy ang mga tao sa pagbubulungan ng mga bagay-bagay tungkol sa kanya. Nagtatakbo si Miguel papunta sa CR at tiningnan ang repleksyon niya sa salamin.

          Tinanggal niya ang mga braces na nakakabit sa mga ngipin niya. Tinanggal rin niya ang makakapal na salaming nakasuot sa kanya. Tinanggal rin niya ang mataas na tuck-in ng polo niya. Binasa niya ang buhok niyang makapal ang pamada. Pero hindi siya naging masaya sa nakita niya. Hindi naman kasi siya iyon. Siguro nga ay may itsura siya. Pero hindi niya kayang panindigan ang itsurang iyon para lang magustuhan siya ni Mimi.

          Lumabas na siya ng banyo dala-dala ang tunay niyang itsura. Dumiretso siya sa swing sa playground. Kinuha niya ang bag at binuksan iyon. Mula doon, ay naglabas siya ng isang ballpen. At kinuha rin niya ang isang Math book at sinagutan ang dalawang pahinang assignment nila. Iyon naman talaga siya eh. Taga-sagot ng assignment ni Mimi. Taga-gawa ng project. Pinagtatawanan nito kapag na-bo-bore. Sinusuntok-suntok nito kapag naiinis. Kopyahan kapag walang maisagot. Taga-libre kapag nagugutom ito.

          Hanggang sa narinig niya ang isang hikbi. Galing yun sa isang babae. Nakaupo ito sa isang bench kung saan walang masyadong umuupo dahil kadalasan tinatamaan ang lugar na iyon ng init ng araw.

          Napangiti siya.

          Hindi lang pala isang katulad niya ang nasasaktan.

          Hindi siya nag-iisa. Hindi lang pala isang nerd at weirdo na kagaya niya ang nasaktan dahil pag-ibig.

           Pero maswerte pa rin ang babaeng iyon. Kahit nasasaktan, at least, hindi ito loser kagaya niya.

STOPOVER (Filipino One Shots)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon